Archive for Agosto 10th, 2008

h1

Noon at Ngayon

Agosto 10, 2008

Dire-diretso lang akong naglalakad. Hindi man ako nakatingin nang direkta, alam kong may nakasilip sa bintana nila. Hindi ko na pinansin kung sinuman iyon, basta’t diretso lamang ang tingin ko.

“Makoy….!” ang sigaw ng isang pamilyar na boses na mula sa bintana nila. Lumingon ako at ngumiti. “Oy… tara PC tayo, baba ka!” ang tangi kong naisagot sa kanya. Abot-tenga ang ngiti niya at sinabing hintayin ko lamang siya at bababa na siya. “Kala ko hindi moko papansinin eh!” ang nakangiti niyang wika. “Bakit naman hindi kita papansinin? Ungas ka talaga no?” ang sagot ko naman.

Medyo nagkamustahan kami. Nagkuwentuhan sa mga latest happenings sa mga buhay namin. Ni hindi kami nakakadama nang kaunting pagkailang sa isa’t-isa bagamat iba pa rin ang pakiramdaman namin habang magkasama. Sa sandaling panahon lamang ay masyado nang maraming malulupit at matitinding pangyayari ang namagitan sa buhay namin. Ilang beses naming nasaktan ang damdamin nang isa’t-isa at ilang beses ring muntik nang magkasakitan nang pisikal. Hindi man namin maamin sa mga sarili namin, talagang hindi na maibabalik pa ang nasira naming pagkakaibigan. Wala na ata kaming tiwala sa katapatan ng bawat isa. Nasira ang lahat NOON dahil sa iisang tao. Naayos rin naman ang lahat makalipas ang medyo matagal na panahon, at ang iisang tao pa ring iyon ang DAHILAN ng pagkakasira naming dalawa NGAYON. Pero mas MATINDI nga lamang ang sa ngayon.

Wala akong balak na makipaglaban dahil sa rasong nanira sa amin ngayon, na sumira sa amin noon. Pero wala akong magawa kundi ang harapin ang katotohanang DAMAY na ako sa natatanging RASON na iyon na nagbibigay ng matinding pasakit sa buhay niya. Siguro mananatili kaming ganito sa mas mahaba-haba pang panahon. Sa ngayon ayos kami, pero hindi ko na kontrolado ang anumang mangyayari.

Ang rason noon, MAHAL ko pa pala ang ex-girlfriend ko na noo’y girlfriend niya, pero mas pinili siya ng babae at pinilit ko pa ring ipinaglaban kahit BIGO ako.

Ang rason ngayon, naghiwalay na sila ng asawa niya kahit mahal na mahal niya pa ito at sinasabi naman ng asawa niya na ako na ang MAHAL nito, kahit lumipas na ang damdamin ko dito.