Gusto ko katabi kita…
Gusto ko andiyan ka…
Gusto ko kasama kita lagi…
Gusto ko ako lang ang mahal mo…
pero pinakagusto ko…
masaya ka…
sige na…
puntahan mo na siya.
Bakit kaya ang tao kapag nagmamahal nagiging bulag. Bakit hindi niya nakikita ang totoo? Bakit kinakaya niyang tiisin ang lahat ng pasakit wag lamang mawala ang taong minamahal niya? Bakit nga ba napakadaling patawarin ang taong mahal mo anuman ang ginawa nito sayo? Bakit natatanggap mo pa rin siya kapag nagbabalik siya gayong iniwanan ka na niya?
Hanggang ngayon hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa mga ganyang tanong. Pano ba naman kasi… hindi ko pa masabi sa ngayon kung nawala na nga bang talaga ang pagmamahal ko sa isang taong binigyan ko ng sandaang porsyento ng pagmamahal ko. Siguro abnormal lang talaga ako na ibinigay ko ang buo kong pagkatao sa kanya. Ilang beses na siyang umalis, iniwanan niya ako… pero sa tuwing bumabalik siya, buong puso ko pa ring tinatanggap na para bang wala lang ang mga nangyari. Siguro sa kanya wala lang yun, dahil ako lang naman ata talaga ang nagmamahal, kaya ako lang ang apektado sa mga nangyari.
Sana nanatili na lamang kaming magkaibigan. Sana hindi na ako naghangad pa nang mas masahol pa sa pagkakaibigan. Sana hanggang doon na lang, kung saan damang-dama ko siya, damang-dama ko ang tunay na kahalagahan ko sa kanya. Alam ko, nang magmahal siya nawala na ako sa mga alalahanin niya, sa mga naiisip at naaalala niya. Masaya ako pag nariyan siya, masaya ako kapag ipinapakita niyang mahal niya ako – noon pilit kong isinasaksak sa utak ko na totoo ang lahat. Pero nang hindi na siya bumalik, naisip kong umaasa lang ako sa wala noon pa man. Masaya ako ngayon – siguro nasanay na akong wala siya. Pano kung bigla siyang nagbalik? Matatanggap ko pa kaya siya gaya noon? Ayoko magsalita nang patapos, totoong wala na akong nararamdaman sa kanya ngayon – dahil wala siya, eh pano kung bumalik siya?
Pipilitin ko… na sa kanyang pagbabalik – kung babalik man siya, na iiwas ako at tatalikuran siya.






