Archive for Setyembre 11th, 2008

h1

Unang Tikim – Last Part

Setyembre 11, 2008

“May kumakatok!” ang pabulong pero tarantang wika ko kay Angela. “Alam ko gagi, naku pano ba to?!” ang wika niya. “Angela. Angela, buksan mo tong pinto!” ang galit na wika ng nanay niya. Mabilis ang desisyon ni Angela, pinagtago niya ako sa likod ng pintuan. Natatakot ako pero sinunod ko na lang siya. Binuksan niya ang pintuan at pinapasok ang nanay niya. “Kanina pako katok nang katok antagal mo namang magbukas!” ang paasik na wika ng nanay niya. Ang kuwartong iyon na mismo ang buong bahay nila. Nangungupahan lamang sila. Sa isang maliit na espasyo, naroroon na ang higaan, kainan, lalagyanan ng mga kagamitan.

Nang pumasok ang nanay niya. Hinintay niyang tumalikod ito saka niya ako sinenyasang lumabas na. “Hoy!” ang sigaw ng nanay niya. Nakailang hakbang na ako palabas ng kuwarto pero huli na. Nakita ako ng nanay niya.

“Naknamputang mga bata kayo, anong oras na puro laro pa rin ang inaatupag niyo!” ang galit na sigaw ng nanay niya. “Makoy baka kanina ka pa hinahanap ng nanay mo, anong oras na ah!” ang patuloy nito. “Hindi pa po ako hinahanap, kakapunta ko pa lang po dito kanina kasama sina Janet, nauna lang po sila dahil naiihi daw!” ang mabilis kong sagot. Napasulyap ako sa kinatatayuan ni Angela. Nakangiti siya.

Pagtalikod ko, saktong pagsara naman ng pintuan nila. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Biruin mo ba namang walang malisya sa nanay niya na nahuling may lalaki sa kuwarto kasama ang anak niyang babae. Sabagay – bata pa kami noon. Natatawa akong bumaba sa Apartment building na iyon… umaasang mauulit pa iyon sa mga susunod pang mga araw.